Impormasyon tungkol sa Hepatitis C para sa mga Imigrante at Bagong Dating sa Canada
Palawakin ang iyong kaalaman tungkol sa hepatitis C sa iyong sariling wika
Ang website na ito ay nagbibigay ng pangunahin at pinakabagong impormasyon sa wikang gamit ng pinakamalalaking komunidad ng mga imigrante dito sa Ontario.
Ang Hepatitis C sa mga imigrante at bagong dating sa Canada
Isa sa tatlong taong apektado ng hepatitis C sa Canada ay ipinanganak sa ibang bansa. Karamihan dito ay mga bansang may mataas na insidente ng hepatitis C. Ang sakit na ito ay mas pangkaraniwan sa ilang grupo ng imigrante kung ihahambing sa pangkalahatang populasyon ng Canada. Ito ang dahilan kung bakit mahalagang palawakin ang iyong kaalaman tungkol sa hepatitis C at magpasuri para dito.
Hepatitis C at ang Atay
Ang Hepatitis C ay isang virus na pumipinsala sa atay.
Ang hepatitis ay isang sakit na idinudulot ng hepatitis C virus. Kapag pumasok ang virus sa dugo nakakarating ito sa atay at nauuwi sa impeksyon at pagpaparami ng virus.
Mga 25% ng taong may impeksyon ay kusang gumagaling at naaalis ng tuluyan ang virus mula sa katawan sa loob ng ilang buwan. May mga 75% ng tao na hindi kusang naaalis ng lubusan ang virus sa katawan at nauuwi sa chronic o talamak na impeksyon. Nagpaparami ang virus sa pamamagitan ng pagsakop sa “cells” ng atay at sinusubukan ng immune system ng katawan na labanan ito. Nauuwi ito sa pamamaga at pinsala sa atay. Sa paglipas ng panahon, nagkakaroon ng pagpepeklat sa atay na tinatawag na fibrosis.
Para sa karamihan ng tao, ang pinsala sa atay ay dahan-dahang nangyayari. Maaaring mabuhay ng 20 hanggang 30 na taon o higit pa na hindi nakakaramdam ng sintomas kahit na patuloy na pinipinsala ng virus ang atay. Sa paglipas ng panahon, maaaring magkaroon ang isang tao ng masmalalang pagpepeklat at pagtigas ng atay. Ito ay tinatawag na sirosis. Ang sirosis ay maaaring mauwi sa cancer ng atay, pagkasira ng atay o kamatayan.
Mayroong paggamot para sa hepatitis C na lubos na epektibo at nagbibigay-lunas sa halos lahat ng tao.
Ang atay
Ang atay ay isang napakahalagang “organ” o lamang loob na tumutulong sa katawan upang labanan ang impeksyon, i-break down ang mga lason at gamot, tunawin ang pagkain, at iba pa.
Napakahalaga ng ating atay dahil:
- Sinasala nito ang mga kemikal at iba pang bagay na pumapasok sa katawan
- Tumutulong sa pagtunaw ng pagkain
- Tumutulong sa paggawa ng iyong dugo at ibat-ibang mga protina
Matibay ang atay at kadalasang kaya nitong gumaling ng kusa. Ganoon pa man, maaaring magkaroon ito ng permanenteng pinsala na dulot ng mga virus, alak, kemikal, at ilang gamot na sa paglipas ng panahon ay makakaapekto sa kakayahan nitong gumana.
Hindi ka mabubuhay na wala ang iyong atay.
Transmisyon ng Hepatitis C
Ang Hepatitis C ay naipapasa sa pamamagitan ng kontak ng dugo sa dugo.
Ang hepatitis C ay hindi naipapasa sa pamamagitan ng kaswal na pakikisalamuha sa tao tulad ng pagyakap, paghalik, o paghawak sa isang taong mayroong Hepatitis C virus. Hindi rin ito kumakalat sa paggamit ng bago o isterilisadong kagamitang pang-medikal o pang-droga.
Nakakapasok sa dugo ang virus sa pamamagitan ng mga sugat o butas sa balat at ibang bahagi ng katawan na nagbibigay proteksyon para dito. Matibay na virus ang Hepatitis C– kaya nitong mabuhay sa labas ng katawan sa loob ng maraming araw. Ang ibig sabihin nito ay maaaring kumalat ito sa pamamagitan ng natuyong dugo.
Ang Hepatitis C ay kadalasang naipapasa sa pamamagitan ng:
- Pag-uulit ng mga kagamitang pang-medikal, pang-dental o pang-opera na hindi isterilisado nang maayos. Sa ibang mga pasilidad na pang-medikal sa labas ng Canada, ang mga kagamitang ito ay maaaring hindi ganun kaayos ang pagkakalinis.
- Pagtanggap sa isinalin na dugo (blood transfusion) o organ transplant na hindi nasuri kung may impeksyon ng hepatitis C. Sa Canada, ang mga dugong donated ay sinimulang suriin para sa hepatitis C mula 1990. Samantala, sa ibang mga bansa, ang pagsusuri ng dugo para sa hepatitis C ay hindi sinimulang gawin hanggang kamakailan lamang.
- Pakikigamit ng karayom at mga kagamitan para sa pagtuturok ng droga (katulad ng karayom, hiringilya, tourniquet o tali, panluto, kutsara, piltro, tubig pang-iniksiyon, at bulak)
- Pag-uulit ng mga kagamitan para sa pagbutas o piercing at pagta-tattoo (katulad ng karayom, tinta, lalagyan ng tinta) o pag-uulit ng mga gamit para sa electrolysis o acupuncture.
Iba pang paraan upang makapasok ang Hepatitis C sa katawan:
- Pakikigamit o panghihiram ng kagamitan para sa pangangalagang pampersonal na maaaring may bahid ng dugo tulad ng pang-ahit, nailcutter at sipilyo. Kasama rin dito ang pagpapa-ahit sa barbero sa komunidad kung saan ay paulit-ulit ginagamit ang mga blade o pang-ahit.
- Ilang mga nakasanayang gawain ng mga albularyo tulad ng paghiwa o pagbutas sa balat, gaya ng “wet cupping”.
- Hindi pangkaraniwan and transmisyon ng Hepatitis C sa pamamagitan ng pagtatalik. Ang transmisyon sa pamamagitan ng heteroseksuwal na pagtatalik ay napakabihira habang ang transmisyon sa pamamagitan ng anal sex sa pagitan ng mga lalaki na hindi gumagamit ng condom ay bihira. Tumataas ang panganib kapag may ibang factors tulad ng HIV, mga sakit na nakukuha sa pagtatalik, pagtatalik na may pagdurugo at chemsex (paggamit ng street drugs upang ma-enhance at mapahaba ang pagtatalik).
- Sa Canada, mababa ang panganib na maipasa ang Hepatitis C mula sa ina patungo sa sanggol habang ipinagbubuntis at habang ipinapanganak niya ito. Subalit sa labas ng Canada, lalo na sa mga bansang naiiba ang pamamaraang pangkalusugan, maaaring mas mataas ang insidenteng maipasa ito sa mga sanggol na ipinanganak ng mga inang may Hepatitis C.
Pagsusuri para sa Hepatitis C
Maaaring mayroon kang hepatitis C at hindi mo nalalaman.
Tanging sa pagpapasuri lamang malalaman kung ikaw ay may hepatitis C. Kadalasan ay kinakailangan ng dalawang pagsusuri ng dugo upang matukoy kung ikaw ay may hepatitis C.
- Tinutukoy ng hepatitis C antibody test kung ikaw ay na-expose na sa virus.
- Tinutukoy ng confirmatory test kung ang virus ay nasa loob pa ng iyong katawan.
Padali na nang padali at mas simple na ang pagpapasuri. Kausapin ang iyong tagapagbigay ng serbisyong pangkalusugan at siguraduhing matatanggap mo ang resulta ng confirmatory test at hindi lang ang hepatitis C antibody test.
Kahit kusang natanggal ang virus sa katawan sa unang mga buwan, o ito man ay natanggal sa pamamagitan ng paggamot, ang antibodies para dito ay laging mananatili sa dugo. Ang taong may positibong confirmatory test lamang ang maaaring makahawa ng hepatitis C sa iba.
Paggamot para sa Hepatitis C
Nagagamot ang Hepatitis C!
Ang paggamot para sa Hepatitis C ay lubos na epektibo at maaaring magbigay lunas sa karamihan. Karamihan sa taong mayroong Hepatitis C ay nangangailangan ng paggamot upang gumaling. Ang tawag sa gamot para sa hepatitis C ay direct-acting antivirals o DAAs. Ang mga ito ay makukuha bilang pills na madaling inumin, kaunti ang side-effects at iinumin lang sa maiksing panahon.
Lahat ng may hepatitis C ay dapat na makipag-usap sa kanilang tagapagbigay ng serbisyong pangkalusugan tungkol sa mga pamamaraan ng paggamot na maaari nilang pagpilian.
Ang layunin ng paggamot ng hepatitis C ay:
- tanggalin ang virus mula sa katawan
- bawasan ang pinsala sa atay
- mapabuti ang kalidad ng buhay ng tao
- maiwasan ang pagpasa ng hepatitis C sa ibang tao–kapag ang isang tao ay gumaling na sa hepatitis C, ang ibig sabihin ay natanggal na ang virus sa katawan at hindi na ito maipapasa sa ibang tao.
Paghahanda para sa paggamot
Mayroong ilang mga opsyon sa paggamot para sa hepatitis C. Sa pagpili ng opsyon sa paggamot, ang mga bagay na dapat isaalang-alang ay:
- ang degree ng pinsala sa atay
- ang strain o genotype ng virus
- kung ang tao ay dati nang nakapagpagamot o hindi pa para dito
- mga gamot na kasalukuyang iniinom
- iba pang mga kundisyong pangkalusugan
Kasama ng paghahanda para sa pagpapagamot ay ang paglikha ng plano kasama ang iyong tagapagbigay serbisyong pangkalusugan at siguraduhing may suporta mula sa iyong pamilya at mga kaibigan upang ikaw ay manatili sa napiling treatment. Susuriin ng mga healthcare providers ang pasyente bago, habang, at pagkatapos ng gamutan.
Sa pamamagitan ng paggamot, maliligtas ang atay ng isang tao pati na rin ang kaniyang buhay.
Matatanggal ng paggamot ang virus mula sa katawan subalit HINDI ito nagbibigay proteksyon laban sa pagkakahawang muli.
Hindi nagkakaroon ng immunity o proteksyon laban sa hepatitis C matapos gumaling mula rito, kung kaya’t maaari pa ring mahawa muli. Ang paggawa ng mga hakbang upang maiwasan ang ma-expose ulit sa virus ay makakatulong upang mabuhay nang walang hepatitis C.
Kapag ikaw ay na-expose muli sa hepatitis C virus, nag-test na positibo para dito at hindi kusang gumaling matapos mahawa ulit, kailangan mong ulitin ang pagpapagamot.
Hepatitis A at B: Ang Pagkakaiba
Ang Hepatitis C ay naiiba mula sa hepatitis A at B.
Ang Hepatitis A ay naipapasa kung lingid sa kaalaman ng isang tao na siya ay nakakain o nakainom ng pagkain o inuming kontaminado ng dumi ng tao. Halos lahat ng tao ay kusang gumagaling mula rito ng walang kinakailangang paggamot at nagkakaroon ng immunity ang katawan laban dito.
Ang Hepatitis B ay naipapasa kapag ang dugo, similya o vaginal fluid ng isang taong may hepatitis B ay pumasok sa loob ng katawan ng isang taong walang hepatitis B. Maaaring maipasa rin ito sa panganganak, mula sa ina patungo sa sanggol. Karamihan ng taong may edad na kapag nahawa ng Hepatitis B ay maaaring kusang gumaling at nagkakaroon ng immunity ang kanilang katawan laban dito.
Kapag hindi kusang gumaling at natanggal ang virus sa katawan, nauuwi ito sa chronic o talamak na impeksyon. Kapag nahawa habang bata pa, mas mataas ang pagkakataon na mauwi ito sa talamak na impeksyon. Ang isang taong may talamak na impeksyon ng hepatitis B ay maaaring magkaroon ng pangmatagalang problema sa atay. Maaaring mapabagal at kontrolin ng paggamot ang hepatitis B virus sa katawan. Sa kasamaang palad, ang hepatitis B ay hindi pa nagagamot hanggang sa ngayon.
Mayroong bakuna na nagbibigay proteksyon laban sa hepatitis A at hepatitis B at maaari mo silang makuha.
Walang bakuna para sa hepatitis C, subalit mayroong lunas para dito.
Mga Serbisyo para sa Hepatitis C na malapit sa iyo
Hanapin ang serbisyo para sa Hepatitis C na malapit sa iyo.
Para sa mga nakatira sa Canada, puwedeng gamitin ang online tool na ito upang makahanap ng mga serbisyong makukuha sa kanilang lugar: http://hcv411.ca/
Sa Ontario, maaaring tumawag sa Sexual Health Infoline Ontario upang makakuha ng impormasyon tungkol sa hepatitis, HIV at kalusugang pangseksuwal. Mayroon itong serbisyo sa wikang Hindi, Punjabi, Urdu, Tagalog, Mandarin, Kantones at iba pang wika. Kapag ikaw ay tumawag, maaaring bigyan ka ng takdang oras upang makausap ang counsellor o tagapayo na marunong magsalita ng iyong nais na wika. Maaari ka rin nilang i-refer upang magpasuri sa isang clinic na nasa Ontario.
Tumawag nang libre sa Ontario: 1-800-686-7544
Lunes-Biyernes: 10 am-10:30 pm
Sabado at Linggo: 11 am-3 pm
Para sa labas ng Ontario, makipag-ugnayan sa iyong lokal na tagapagbigay ng serbisyong pangkalusugan o healthcare provider.